Dear Friend Na Feeling Travel Influencer, Push Mo Lang Yan

Sobrang curated na feed. Sandamakmak na stories. Geotags. Hashtags. Sa kahahanga-hangang dedikasyon mo sa Instagram, laging humihirit ang mga kaibigan mo: Wow! Feeling travel influencer.”

Basahin din: Pagpopost Ng Travels Sa Social Media: Nagyayabang Ka Ba?

Bilang hindi ka naman kill joy na kaibigan, nakikitawa ka. Pero aminin mo — minsan, nakaka-conscious din, diba? Ngayon, nagdadalawang isip ka na kung ipo-post mo pa ba ‘yung picture mo sa Notre Dame para makidalumhati sa pagkasunog nito.

Kung hindi ka nakaka-relate sa usapang ito dahil hindi ka nagpapaapekto kahit kanino, then good for you. Pwede ka nang mag-scroll down sa susunod na article. Pero kung isa ka sa mga nahihiya o naiinsulto tuwing natatawag kang influencer, then welcome to the club. Oo, friend, huwag kang mag-alala. Hindi ka nag-iisa. Dahil diyan, sabay-sabay natin intindihin kung paano nga ba tayo dapat mag-react tuwing tinatawag tayong feeling travel influencer.

Syempre, bago ang bawat pag-react, dapat pinag-aaralan muna ang isyu. Ngayon, pag-usapan natin: ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng influencer?

A brief background on influencer marketing

Kahit pa noong pa-usbong pa lang ang midya, buhay na ang influencer marketing o ang paraan ng pag-promote ng produkto sa pamamagitan ng maiimpluwensyang tao.

Ayon sa pag-aaral ng isang software na tumutulong sa influencer marketing programs, maaaring kasali sa mga unang influencer ang Reyna at Santo Papa. Noong panahong hindi pa uso ang gamot, inendorso ng Reyna at Santo Papa ang pag-inom nito para sa benepisyo ng mga tao. Kahit ang mga hindi naniniwala sa medisina noon ay napabili ng gamot dahil sa impluwensya ng mga nasabing tao.

Image credit: The Coca-Cola Company

Isa pang sikat na halimbawa ng naunang influencer ay si Santa Claus. Siguro hindi mo namalayan, pero malamang ay kasali kayo sa naimpluwensyahan niya. Isipin mo ang bawat noche buena niyo. Lagi kayong may Coke, ano? Noong 1931, naging poster child si Santa Claus ng Coca-Cola. Kinalaunan, naiugnay ng mga tao ang Coca-Cola sa pagkakaroon ng maligayang pasko.

Sa modernong panahon, sino na ba ang tunay na influencer?

Dahil sa pag-usbong ng social media, humihirap nang matukoy kung sino nga ba ang tunay na influencer. Maraming tao ang nag-iisip na basta marami kang followers sa Instagram, matatagurian ka nang isang influencer.

Sabi ng isang kilalang retratista sa Instagram na may 20,000 followers, matatawag mo lang na influencer ang tao kung nagsisimula siya ng trends at nagpo-promote siya ng brands sa social media. Nang tanungin kung itinuturing ba niya ang sarili bilang influencer, ang sagot niya ay: “No, because I don’t accept all brands and I don’t get paid to promote a certain brand. I am a photographer and a photojournalist for hire. Making myself an influencer will affect my legit clients who want my work.”

Sa kabilang dako naman, may mga tao ring nagpo-promote ng brands na ayaw pa ring matawag na influencer. Isa namang sikat na model sa Instagram na may 60,000 followers ang nagsabi: “Ayokong natatawag na influencer. Content creator ako. Sa rami ng nagkukunwaring influencer ngayon, nawawala na ‘yung credibility ng craft. Para sa akin, art form pa rin ang paggawa ng content. Ang dami na kasing nagpapaka-influencer ngayon para lang sa freebies.”

Ngayon, sino nga ba ang tunay na influencer?

Habang wala pa akong nakikilalang taong itinuturing influencer ang sarili, ginagamit pa rin ang terminong ito ng mga ahensya ng marketing. Ang mga ahensyang ito rin ang tumutukoy sa kung sino nga ba ang influencer para sa kanila. Siguro ngayon, pwede nang maituring isang marketing jargon ang salitang influencer. At tanggapin man natin o hindi, laganap na ang terminong ito ngayon.

Ano nga ba ang masama sa pagiging influencer?

“Ang dali ng buhay ng influencers. Instagram lang ang trabaho nila.” Siguradong narinig niyo na ang linyang ito, at siguro ito rin ang dahilan kung bakit nagngingitngit ang mga tao kapag natatawag silang influencer. Aba, sino ba naman ang gustong maliitin ang trabahong pinaghihirapan nila?

Isipin natin: Madali nga ba talaga? Dahil kung tutuusin, kung ang pagiging influencer lang din naman ang daan para makakuha ng libreng produkto (at higit na importante: libreng travel!), bakit pa tayo hihindi sa ganitong buhay diba? Kung totoong kahit sino ay pwedeng maging influencer… bakit karamihan sa atin, hindi pa rin influencer hanggang ngayon?

Ngayon… paano nga ba tayo dapat mag-react tuwing natatawag tayong feeling travel influencer?

Kailangan mo ba talaga mainsulto kapag tinawag kang influencer? Syempre, ang sagot ay… nasa sa’yo na iyan.

Habang may mga taong palaban at handang ipagtanggol ang kanilang mga sarili laban sa mga bashers, meron ding mga mas pipiliin na lang tumahimik. Kung ano man ang choice mo, okay lang. Ika nga nila: You do you.

Kailangan mo bang bawasan ang pagpo-post mo para tigil-tigilan ka na ng mga kaibigan mo? Uulitin ko, nasa sa’yo na ‘yan.

Sa katunayan, wala akong nakikitang problema sa pagtawag sayong travel influencer kung talaga namang nagpo-post ka tungkol sa travel. Bakit? Dahil kahit gaano pa kaunti ang followers mo, siguradong may naiimpluwensyahan kang mag-travel. Sa katapusan, hindi ba ‘yun ang gusto nating lahat?

Ito lang naman ang punto ko: Friend na feeling travel influencer, i-push mo lang ‘yan. Mag-post ka lang nang mag-post kung gusto mo! Aba, i-tag mo pa kami sa Instagram at idagdag mo pa ang hashtags #MakeTravelHappen #TripZillaPH nang ma-feature ka namin sa feed namin. Kung nagsasawa na ang mga kaibigan mo sa mga exciting travel stories mo, pwes andito pa kami para kwentuhan mo. Promise, basta tungkol sa travels, hindi kami magsasawa sa mga litrato mo!

Keep inspiring people to travel, friends. And as we like to say: Make travel happen.

Basahin din: Sinisira Ba Ng Teknolohiya Ang Konsepto Ng ‘Travel?’

Published at


About Author

Danielle Uy

If Disney were creative enough to let Mulan and Melody procreate, Danielle would be that child. From an early age, she has dreamt of becoming a purposeful revolutionary... and an unruly mermaid. While Danielle hasn't held a sword in her lifetime, she feels powerful enough with her byline. Her creative energy is fueled by many things: the quiet right before the rest of the world wakes up, the orange sky as the sun rises during an uncrowded morning surf, the beautiful bitter taste of black coffee, and the threatening reminder of a pending deadline.

Brand Managers!

Want to see your brand or business in this story?

Talk to us now

Subscribe our Newsletter

Get our weekly tips and travel news!

Recommended Articles

Latest Articles