Sariling Trip: Sa Lente ng Isang Introvert

Kadalasang napupuna ang mga introvert bilang mahiyain at ayaw makisalamuha sa ibang tao. May punto naman ang ganitong pagtingin, ngunit hindi lahat ay ganito. Marami sa mga introvert ay nahihiya dahil mas gusto nilang tamasahin ang pakikisama ng kanilang sarili. Marami ang gustong mapag-isa dahil mas nakapaglilibang sila kasama ang kanilang mga sariling ideya.

Bilang isang introvert, nakikita ko ang paglalakbay bilang isang mas malaking larawan kaysa sa aking sarili. Hindi totoo na ayaw naming makipag-ugnayan sa ibang mga tao, mas pinipili lang namin na mag-enjoy kasama ang mga paikot-ikot na ideya sa ulo namin habang nasa isang beach resort sa Batangas o ‘di kaya’y gunigunihin ang mga kuwentong aming nabasa habang naglalakad sa isang kilalang kalye sa Tokyo.

Naniniwala ako na ang paglalakbay ay hindi lamang paglilibot sa iba’t-ibang lugar kung hindi pagtuklas na rin sa sarili. Sa aking paglalakbay, marami akong natuklasang mga lugar, tao at kultura, ngunit nakilala ko rin kung sino ba ako bilang isang manlalakbay.

Also Read: Why Introverts Make the Best Travellers

Dahil sa adventure books at travel blogs, nahumali ako sa paglalakbay

Sino ba namang hindi gusto matulad kay Frodo mula sa The Lord of the Rings? Tanggalin mo ang mga habulan kasama ang mga Orcs at pagpunta sa Mt. Doom upang itapon ang ring, masayang maglakbay at lumabas sa iyong bahay o siyudad katulad ni Frodo. Dahil sa mga kuwentong aking nababasa, nahikayat ako na maglakbay rin. Gusto ko ring makita ang mga lugar sa labas ng aking comfort places. Gusto ko ring maranasang maglakbay gamit ang mga paa.

Kagaya ni Frodo, nanghinayang din ako noong una tungkol sa paglalakbay. Naisip ko na baka mapahamak lamang ako o baka hindi ko kayanin. Ngunit ipinagpatuloy ko pa rin ang aking mga paglalakbay dahil gusto kong magkaroon ng bagong mga karanasan. Bilang isang introvert, tinanong ko rin ang aking sarili, “Iiwan ko ba ang aking comfort zone na nasa mga libro para sa mga trip na magiging realidad ng mga kuwentong binabasa ko lamang”?

Nakaka-stress isipin ang mga bagay-bagay tuwing naglalakbay

Ang mga tanong na “Paano ba ako makakarating sa aking susunod na destinasyon?” hanggang sa “Naiwan ko kaya ang aking sipilyo?” ay ang mga paulit-ulit na iniisip ko tuwing ako ay aalis. Madalas akong nag-aalala sa mga maliliit at, kung tutuusin, normal na mga bagay. Hindi ko kasi nais na mapahiya sa maraming tao lalo na habang ako ay nagpupunta sa ibang lugar. Kasabay nang pagka-stress ko sa mga dapat dalhin o dapat gawin sa paglalakbay, nag-aalala rin ako sa pakikipag-usap sa ibang tao.

Bilang isang introvert na mas pinipiling maglibang mag-isa sa pamamagitan ng mga kuwentong aking binabasa o kaya naman ay sinusulat, mas mahirap makihalubilo sa mga kakikilala ko lamang na tao. Noong pumunta kami sa Bangkok, ang wikang Ingles ang pangunahing daan upang makipag-usap sa mga lokal. Dahil nahihiya rin akong makisalamuha sa iba sa pag-iisip na baka ako ay mapahiya, kadalasan ay sinusulat ko muna ang aking sasabihin. Nakakahiya mang aminin ngunit madalas din ay binubuo ko muna ang usapan sa isip ko upang handa na ako sa aking sasabihin.

Mas kampante ako sa paglalakbay kapag ako ay may kasama

Hindi katulad ng mga kaibigan kong introvert, mas gusto kong maglibot o maglakbay kapag mayroon akong kasamang maaasahang kaibigan. Sa kadahilanan na hindi ko gusto makihalubilo sa ibang mga tao, ang pagkakaroon ng kasama ay isang magandang bagay para sa akin. Ngunit hindi kung sinu-sino ang aking sinasamahan. Madalas na ito ay aking kapatid o ‘di kaya nama’y isang malapit na kaibigan. Sa aking paglalakbay, higit pa ang papel nila bilang tagapagsalita ko sa ibang mga tao. Sila ang pinagbubuhusan ko ng aking mga nararamdaman kapag ayaw ko nang mag-isip mag-isa o kapag hindi ko na nais magsulat. Ang pagkakaroon ng isang makakasama na maiintindihan ako bilang isang introvert ay nakatulong sa akin upang mag-enjoy sa mga trip na aking pinupuntahan. Higit sa lahat, mas nagkakaroon ako ng ibang perspektibo sa mga lugar at kultura na aming nararanasan.

Hindi ko kailangang pilitin ang aking sarili

Marami ang napapasunod sa mga trends dahil sa katagang “FOMO” o “fear of missing out”. Nagpapadala sila rito kaya madalas ay nagmamadali sila sa mga trip sa kagustuhang makabisita sa lahat ng puwedeng puntahan. Ngunit bilang isang introvert, natuklasan ko na mas angkop ang slow travel para sa akin, o iyong pananatili sa isang lugar nang mas matagal kaysa sa karaniwang oras na nasa mga itinerary. Dahil mas gusto kong maglibang sa isang lugar at apresyahin ang kanilang kultura, mas nagiging makabuluhan ang aking paglalakbay.

Hindi ko kailangang pilitin ang aking sarili na makisunod sa mga trends sa paglalakbay. Hahayaan ko ang aking sarili na tuklasin ang mga magagandang lugar at pag-aralan ang kultura ng mga lokal. Hindi ko rin kailangang pilitin ang aking sarili na sumama sa mga gawain sa isang lugar na hindi ko naman gusto. Mas masaya ang trip kung gusto mo ang ginagawa mo, dahil sa totoo, ikaw naman talaga ang gumagawa ng sarili mong paglalakbay.

Mayroon akong sariling travel style

At sana ganoon din para sa iyo. Hanapin mo ang iyong sariling travel style. Bilang isang introvert, mas naintindihan ko kung anu-ano ang mga gusto ko sa sarili kong paglalakbay. Para sa akin, mas gusto kong pumunta sa mga lugar na kakaunti pa lamang ang nakakatuklas, o kaya pumasyal sa mga museo o sa mga aklatan kung saan maglilibang ako sa mga libro at gawang-sining na pinagmamalaki ng isang lugar. Isa rin sa mga gusto ko ay ang magpalipas-oras sa isang mesa katabi ng bintana sa loob ng isang karihan o coffee shop at pagmasdan ang mga lokal. Kahit isa akong introvert, nais ko rin na umakyat sa mga bundok at damhin ang sariwang simoy ng hangin na magpapagaan sa aking pakiramdam at isipan.

Mas gusto mo man isa-isahin ang mga pinagmamalaking pagkain ng isang bayan, o ‘di kaya’y pumasyal sa mga amusement park at mag-zipline, kanya-kanya tayo ng pamamaraan upang tamasahin ang trip na gusto natin. Introvert ka man o hindi, ikaw lamang ang makagagawa ng plano para sa iyong paglalakbay.

Ang pagiging introvert ay hindi isang kahinaan pagdating sa paglalakbay. Mahalaga na kilalanin mo ang sarili mo bilang isang manlalakbay at mag-enjoy sa trip na gusto mo. Kaya sa lahat ng mga introvert, simulan na ang paglalakbay!

Also read: The Things That Happen When You Travel Alone

Published at


About Author

Audrey Colleen Quiteves

Audrey is a speech major student at the University of the Philippines-Diliman who likes to write poems and verses from her free-flowing thoughts. Being a fan of travel, fashion and personal blogs, she aspires to craft her own experiences, style and creativity in writing and in photos. Conversations, writing, and new experiences fuel up this lady's passion and interests. According to her, travel is the state of one's wandering outside and inside. Aside from travelling, Audrey spends most of her time writing academic papers and scripts, reading books and blogs, fangirling on Korean popular groups, checking her friends on social media, and watching movies and series.

Brand Managers!

Want to see your brand or business in this story?

Talk to us now

Subscribe our Newsletter

Get our weekly tips and travel news!

Recommended Articles