Our favourite places to stay on this sleepy Cebu island.
Sa mga pinaplanong trip ng pamilya o barkada, ang madalas na tanong ay “Saan tayo pupunta?” Sigurado akong may sisigaw ng “Hiking sa bundok”, o di kaya nama’y “Road trip sa South”. At siyempre hindi rin mawawala ang “Tara swimming sa beach”.
Beach. Dagat. Malalim. Na. Tubig. Bumibilis ang tibok ng aking dibdib. Nagpapawis na ang aking kamay. Kung ano-anong mga larawan ng dagat at alon ang aking ginuguni-guni. Sumasagi rin sa aking isipan ang mga senaryong may kinalaman sa pagkalubog at pagkalunod. Sa salitang beach ay na-trigger sa aking isipan ang konsepto ng karagatan na nagbibigay sa aking katawan ng kakaibang pakiramdam o takot. Ang ganitong reaksyon ay dulot ng aking takot sa dagat o thalassophobia.
Also read: 9 Best Diving Spots in the Philippines for your Aquaventures
Bilang isang thalassophobic, ang takot ko sa karagatan ay hindi kapareho ng aquaphobia o takot sa tubig. Ang aking ganitong phobia ay hindi dulot ng trauma o hindi magandang karanasan sa dagat. Hindi ako marunong lumangoy kaya nakatatak sa aking isipan na hindi ko gamay ang dagat. Pinagtibay din ng kapapanood ko ng mga pelikulang tungkol sa kabagsikan ng dagat ang aking phobia. Ang mga salitang dagat, beach, o ano pang mga konektadong salita ay nagpapataas ng aking balahibo tuwing aking naririnig.
Hindi lamang ang lamig ng tubig na agad bumabalot sa aking katawan ang kinatatakutan ko sa karagatan kundi pati na rin ang ilalim nito. Noong unang beses na pumunta kami sa may beach sa probinsya ng Quezon ay hindi ko inakala na ganoon kalalim ang tubig. Malakas din ang hampas ng mga alon kaya nadadala ako pababa sa dagat. Hindi katulad ng sa mga swimming pool na hanggang leeg ko lamang, hindi maabot ng aking mga paa ang ilalim ng tubig. Noong una, masaya pa ako dahil lumulutang ako sa tubig, ngunit sa bawat hampas ng alon, palayo ako nang palayo sa pampang. Unti-unti akong natakot dahil wala akong mapanghawakan. Sa kadahilanan na rin na hindi ako marunong lumangoy, lalong nabuo ang takot sa akin. Hampas ng alon, walang mahawakan, hindi marunong lumangoy, at lumalayo sa lupa. Iyan ang mga naaalala ko sa unang engkwentro ko sa dagat. Wala akong makapa sa ilalim ko at walang kasiguraduhan ang aking kalagayan.
Naaalala mo ba ang mga atake ng pating sa pelikulang Jaws? Malalaki at matutulis ang ngipin, mabibilis lumangoy at umaatake ng tao ang mga pating dito. Marami pang mga pelikula ang nagpapakita ng bangis ng mga pating at iba pang mga nilalang sa dagat. Bukod sa lalim ng dagat, hindi ko alam kung ano ang pwede kong matagpuan sa ilalim nito.
Nakakahiya mang aminin ngunit tuwing kami ay pupunta sa beach, palagi kong tinatanong ang aking mga kasama pati na ang mga lokal na naninirahan doon kung mayroon bang pumupuntang mga pating sa dagat na aming pupuntahan. Kahit alam kong imposible silang makapunta malapit sa pampang, mas pinipili ko pa ring hindi lumangoy. Wala namang mawawala sa akin kung mag-aalala ako. Hindi lang ako sa pating natatakot, pati na sa iba pang mga hayop sa tubig. Mula sa mga malalaking balyena (sino bang hindi matatakot sa kalakihan ng nito?) hanggang sa mga maliliit na alimango, hindi ako mapakali sa kakaisip sa kanila. Isa lang ang masasabi ko, hindi ko kaibigan ang tubig, pati na ang mga hayop na naninirahan doon.
Marami ang nagsasabi na isang magandang gawain ang pagmasdan ang lawak ng karagatan at damhin ang kapayapaan. Ngunit kabaligtaran nito ang nangyayari sa akin. Imbes na maramdaman ko ang kapayapaan sa loob ko, mas nangingibabaw ang kaba tuwing nakikita ko kung gaano kalawak at kalalim ang karagatan. Naiisip mo ba kung gaano kalalim ang dagat, kung gaano kadilim sa ilalim nito, kung gaano ito kalaki?
Hindi ako magpapalinlang sa mga larawan ng ilan sa mga magagandang beach sa mundo na nasa postcard. Pati na sa mga larawan na nagpapakita kung gaano kaputi ang buhangin at kalinaw ang tubig sa karagatan. Ginuguni-guni ko na baka lamunin ako ng isang malaking alon at lumubog sa kailaliman ng dagat kung saan wala akong makikita sa sobrang dilim. Nanghihina ang aking mga tuhod kapag naiisip ko pa lamang kung gaano kalawak ang karagatan na para bang wala na akong makikitang lupa kung ako man ay mapadpad sa gitna nito. Kung gaanong lula ang nararanasan ng mga may acrophobia kapag sila ay aakyat sa bundok o tumitingin mula sa skyscraper, ganoon din ang aking pakiramdam sa dagat na para bang nilalamon ako nito.
Sino ba naman ang hindi naiyak sa Titanic, lalo na sa eksena nila Jack at Rose? Ngunit, para sa akin, mas nakakaiyak pa rin ang trahedyang nangyari. Bukod sa mga eksena kung saan pinapakita ang laki ng iceberg, mas nakakapangilabot pa rin ang histura ng lawak at laki ng karagatan sa pagsapit ng gabi. Para bang pinagdugtong ang kalangitan at karagatan sa pelikula ng Titanic.
Dahil sa pelikulang ito, hindi ko gusto na sumakay ng barko tuwing gabi. Noong nag-river cruise kami sa unang gabi namin sa Thailand, hindi ako pumwesto malapit sa gilid ng sasakyan. Mas gusto ko na nasa loob ako para kahit kaunti ay maramdaman ko na ligtas ako. Gabi na noon at hindi ko na nakikita ang tubig na dinaraanan ng barko. Nilibang ko na lang ang aking sarili sa mga lokal na pagkain kahit nanginginig na ako sa sobrang lamig at takot sa lawak ng ilog.
Ang tubig daw ay isang kaibigan. Para siguro sa mga mahihilig lumangoy, magbangka, mangisda o maglibang sa mga water activities. Ngunit hindi para sa akin. Hindi ko gusto maglaro sa tubig. Hindi ko rin gusto lumangoy kahit sa swimming pool. Nakakatakot ang dagat. Madalas akong nagkakaroon ng panic attack kapag nalalapit ako sa malawak na lugar na may tubig. Mas pipiliin ko nalang na umakyat ng mataas na bundok kaysa maglibang sa beach kung saan ako ay malapit sa dagat.
Bawat isa sa atin ay may iba’t ibang kinatatakutan. Normal lang naman ang ganito. May mga taong takot sa matataas na lugar. Mayroon din namang takot sa mga lugar na may masisikip at maliit na espasyo. At mayroon ding takot sa lawak at lalim ng karagatan. Isa na ako doon. Ikaw ba, ano ang kinatatakutan mo kapag ikaw ay maglalakbay?
Also read: Mamumundok Feels: 17 Emotional Stages When Mountain Climbing
Published at
Get our weekly tips and travel news!
Our favourite places to stay on this sleepy Cebu island.
Coffee date on the mountains, anyone?
Looking for a weekend bonding with the family under ₱500? Head to these places, pronto!
Live your best life in Manila, even when you’re riding solo.
Elevate your Insta-game at these Laguna spots.
This holiday season, give your home an upgrade!
Get ready for quicker commutes!
Check if your country’s on the list and start planning!
Get ready for a night of timeless hits!
Talk about hassle free!