Ang mga Elepante sa Thailand at ang Kanilang Kuwento

Isa ako sa mga batang pinangarap ang makasakay sa elepante. Gustong-gusto ko maranasan ang mga napapanood ko sa telebisyon at pelikula kung saan malayang nakakasakay ang mga tao sa likod nito. Sino ba naman ang ayaw na palagpasin ang ganoong pagkakataon? Siguro kapag nakasakay ka na sa likod nito, parang kita mo na ang lahat sa sobrang laki at taas ng inuupuan mo.

Kaya noong kami ay pumunta sa Bangkok, isa sa mga atraksyon na aming pinuntahan ay ang Safari Park kung saan nakita namin ang iba’t-ibang mga hayop kagaya ng leon, oso, tigre, giraffe, unggoy, at ang kanilang ipinagmamalaking mga elepante. Napanood namin ang Elephant Show kung saan ang mga elepante ay nagtanghal ng kanilang mga tricks at exhibition na nagpahanga at nagpasaya sa mga manonood. Pagkatapos ng pagtatanghal ay inanyayahan ring magkaroon ng malapitang engkwentro sa mga elepante at maaari ring sumakay sa kanilang mga likod.

Also read: Our Experience Inside the Elephant Jungle Sanctuary in Chiang Mai

Nais ko rin sanang sumakay sa mga elepante ngunit nakita ko ang kapaguran sa kanilang mga mata.  Sa bawat pagkakataon na napapatawa at napamamangha nila ang daan-daan o libo-libong taong nagbabayad upang panoorin sila, ano ang katumbas na karanasan ang kanilang pinagdadaanan?

Ang mga elepante ng Thailand ay itinuturing na banal na simbolo sa Thailand dahil sa kinalaman nito sa mga paniniwalang ayon sa Buddhism at Hinduism. Bukod pa rito, itinuturing din na royal ang mga elepante dahil ang mga hari noon ay may banal na konekyson sa mga ito lalo na sa puting elepante o white elephant. Malaki rin ang naitulong ng mga elepante sa industriya ng pangangahoy. Sa modernong panahon, ang mga elepante ay isa na sa mga tourist attractions ng bansa.

Bukod sa Safari Park, marami na ring mga establishment sa buong Thailand, hindi lang sa Bangkok, ang gumagamit ng mga elepante upang mapagkakitaan. Madalas na ginagamit sila upang magtanghal sa mga turista. Ilan sa kanilang mga gawain ay ang magpinta, magmasahe, sumayaw at maging sakayan sa serbisyo ng trekking.

Gaya ng ibang mga hayop na ating nakikitang nagtatanghal, ang mga elepante ay dumaan na rin sa matinding pag-eensayo. Ngunit sa kanilang pag-eensayo, may itinatago itong mga hindi magagandang pangyayari na kakaunti lamang ang may alam.

Upang makapag-train ang mga elepante sa pagtatanghal, sila ay inihihiwalay sa kanilang ina, lalo na ang mga batang elepante. Ang ganitong gawain ay tinatawag na Phajaan  o “the crush”. Ang ganitong proseso ay ginagamit upang maamo ang mga ligaw na elepante. Sila ay inilalagay sa isang maliit na espasyo katulad ng kulungan o maliit na butas sa lupa upang hindi makagalaw. Ang mga elepante ay karaniwang nasa alaga ng kanilang pamilya sa loob ng labing-anim na taon ngunit ito ay pinagkakait sa kanila pagtungtong nila sa ikaanim na buwan. Isa pa lamang ito sa mga hindi kanais-nais na gawain sa industriya ng turismo sa Thailand na may kinalaman sa mga elepante.

Madalas din ay hindi pinapakin at pinagpapahinga ang mga elepante tuwing sila ay pinagkakakitaan sa elephant trekking. Hindi nila nararanasan ang mga regular na ginagawa nila kapag sila ay nasa gubat o sa kanilang natural na tahanan. Hindi na rin sila nakakapaglaro sa putikan na nakakatulong upang maprotektahan sila sa init ng araw.

Isa pa sa mga matitinding pang-aabuso na ginagawa sa mga elepante upang magamit sila sa industriya ng turismo ay ang saktan sila. Hindi ito isang maliit na bagay. Ang tusukin ang kanilang naglalakihang tainga gamit ang isang hook  ay isang hindi makatao o makahayop na pamamaraan upang makapagpasaya ng mga turista sa kanilang pagtatanghal. Hindi rin isang magandang pamamaraan ang ikadena ang kanilang mga paa upang ihiwalay sila sa iba pang mga elepante. Sino ba naman ang gustong makaranas na magtrabaho nang hindi pinapakain at pinagpapahinga tapos sinasaktan pa? Kung tayong mga tao hindi matiis ang ganitong sitwasyon, ganoon din para sa mga elepante at iba pang mga hayop.

Sa kabila ng nakakagulat na industriya ng turismo sa Thailand, mayroon pa ring mga lugar at institusyon kung saan napangangalagaan ang mga ligaw na elepante. Ang mga santuwaryong ito ay naglalayong ingatan at siguraduhing malusog at malaya ang mga elepante sa Thailand. Dahil patuloy na nababawasan ang bilang ng mga elepante sa bansa, layunin din ng mga institusyong ito na iligtas ang mga elepante at ang mga mahout o tagapangalaga nila mula sa pang-aabuso at maling pangagalaga. Ang mga lugar gaya ng Elephant Nature Park, The Surin Project, at Boon Lott’s Elephant Sanctuary ay ilan sa mga pwedeng puntahan ng mga lokal at turista kung saan sila ay pwedeng makipaglaro at makisalalmuha sa mga elepante habang sumusunod sa ilang mga patakaran. Kaugnay sa malapitang engkwentro.

Isang pagsilip pa lamang ito sa kuwento ng mga elepante sa Thailand. Aaminin ko, gusto ko pa rin sumakay sa likod ng isang elepante, ngunit ito ay isang malaking desisyon na mas malaki pa sa elepanteng aking sasakyan. Hindi ito mali, ngunit sana ay alamin natin kung saan nga ba ito pwedeng gawin na hindi sila masasaktan. Malaki man sila sa ating paningin, maliit naman ang bilang ng mga taong naaabot ng kanilang mga kuwento.

Also read: South to North Thailand in Two Weeks for Only ₱17,000

Published at


About Author

Audrey Colleen Quiteves

Audrey is a speech major student at the University of the Philippines-Diliman who likes to write poems and verses from her free-flowing thoughts. Being a fan of travel, fashion and personal blogs, she aspires to craft her own experiences, style and creativity in writing and in photos. Conversations, writing, and new experiences fuel up this lady's passion and interests. According to her, travel is the state of one's wandering outside and inside. Aside from travelling, Audrey spends most of her time writing academic papers and scripts, reading books and blogs, fangirling on Korean popular groups, checking her friends on social media, and watching movies and series.

Brand Managers!

Want to see your brand or business in this story?

Talk to us now

Subscribe our Newsletter

Get our weekly tips and travel news!

Recommended Articles

Latest Articles