Pinagmasdan Niya ang mga Tala: Mga Stargazing Sites sa Pilipinas

Sa pagsapit ng gabi, sino ba ang hindi mabibighani sa liwanag at ganda ng buwan? Pati sa milyong-milyong bituin na tila ba isinabog sa kalangitan, sino ang hindi mapapatingin sa kanila? Kay sarap sa pakiramdam na humiga sa damuhan, damhin ang simoy ng hangin, pakinggan ang ihip nito, at tumingala sa langit. Nakita mo na ba ang Orion? Ang Big Dipper? O ang Scorpius? Malamang sinusubukan mo nang iguhit ang mga ito mula sa mga tala na nasa itaas mo. Naranasan mo na bang humiling sa bulalakaw o  shooting star na iyong napagmasdan sa kalangitan? Ngunit ang mas malaking tanong ay “Nasubukan mo na bang mag-stargazing sa isang tahimik at madilim na lugar at apresyahin ang kagandahan ng kalawakan”?

Also read: A Quick Guide to Kwebang Lampas, Pagbilao, Quezon

Sa lungsod ng kamaynilaan kung saan punong-puno na ng nagtataasang mga gusali, nagliliwanag na mga kotse at nag-iingayang kalye, saan mo pa mararanasan ang ganitong kapayapaan? Huwag kang mawalan ng pag-asa dahil sa iyong susunod na trip, maaari mo nang isama ang stargazing sa iyong gagawin at pagmasdan ang mga talang nagmumukhang mga brilyante sa liwanag ng mga ito.

Narito ang ilan sa mga lugar sa bansa na maaaring puntahan upang mapagmasdan ang nakabibighaning tanawin ng mga bituing nagniningning sa kalangitan.

Batanes

Kilala ang Batanes bilang ang pinkamaliit na probinsya sa Pilipinas na may pinakakakaunting populasyon. Ang mga isla ng Batanes din ang nasa pinakahilagang parte ng Pilipinas. Maraming makikita sa Batanes katulad nalang ng pinakakilalang Basco lighthouse. Ngunit bukod sa mga pwedeng gawin tuwing may araw, ang lighthouse rin ay isang magandang lugar upang makita ang mga bituin sa langit. Hindi maiistorbo ng mga liwanag mula sa mga gusali sa kanayunan ang iyong tanawin ng mga bituing kumukuti-kutitap.

Image credit: Bingbing

Benguet

Sa Benguet matatagpuan ang kilalang bundok ng Pulag na dinadayo ng mga turista para sa kakaibang hiking experience. Ngunit hindi lamang ang gintong bundok na napaliligiran ng mga ulap ang iyong pwedeng makita, kundi pati na rin ang langit sa pagsapit ng gabi. Magtayo lamang ng tent, damhin ang lamig ng simoy ng hangin at tanawin ang kalangitan. Sa mga nagniningning na tala at ganda ng kalawakan, para bang ika’y nasa langit na kapag napagmasdan mo ang mga ito.

Image credit: FranzSeph

Zambales

Hindi lang ang mga maraming beach na may puting buhangin ang umaagaw ng atensyon ng mga tao sa Zambales. Nariyan din ang pagiging perfect spot nito para sa mga gusto mag-stargazing. Bukod sa paglangoy sa mga dagat sa umaga at paglakad sa puting buhangin, sa pagsapit naman ng gabi ay milyong-milyong tala ang makikita mo na aakalain mo ay ikinalat na mga buhangin sa kalawakan. Humiga sa puting buhangin, pakinggan ang hampas ng alon, at pangalanan ang mga constellation na makikita. Ilan sa mga maaaring puntahan rito ay ang Nagsasa cove, Anawangin Cove at Pundaquit.

Image credit: Septimorex

Quezon

Pawiin na ang stress dulot ng kamaynilaan dahil ilang oras lang ay mararating mo na ang probinsya ng Quezon. Higit pa sa mga pinagmamalaking beach sa lugar na ito ay mayroon din itong natatanging ganda sa gabi. Mula sa probinsiya ng Quezon ay ilang oras ang lalakbayin upang makapunta sa isla ng Jomalig. Kakaunti lamang ang naninirahan sa isla at malayo rin ito mula sa kanayunan. Pagsapit ng gabi ay siguradong iyong ipagpapasalamat ang payapang pakikisama ng mga alon at mga at mga tala na iyong tinitingala. Sa probinsiya rin ng Quezon matatagpuan ang isla ng Cagbalete kung saan pwede ka ring mag-stargazing.

Image credit: Lawrence Ruiz (Epi Fabonan III)

Camiguin

Isa pa sa mga pwedeng puntahan sa Mindanao upang mapagmasdan ang kalawakan ay sa probinsiya ng Camiguin. Mayroon isang eco-tourism dito na matatagpuan sa taas ng bulkang Hibok-hibok. Ang lugar na ito ay mayroong professional telescope na maaaring gamitin upang magkaroon ng malapitang pagtingin sa mga bituin. May mga kainan at camping site rin kung saan pwede mong panoorin ang mga buwang nagniningning sa gabi o ‘di kaya’y humiling sa mga shooting star na matatanaw. Isama na ang pamilya o barkada at humiga sa damuhan o sa duyan habang nag-uusap sa ilalim ng mga bituin.

Image credit: Wolfgang Hägele

Masbate

Ang probinsya ng Masbate ay kilala sa mga beach na nababalot ng puting bahangin at napaliligiran ng asul at malinaw na tubig. Bukod pa sa paraisong iyong mararanasan sa umaga ay siya namang ganda ng kalangitan ang iyong mapagmamasdan pagsapit ng gabi. Sinasalamin ng dagat ang mga bituin sa kalangitan na siya pang nagdadagdag kinang sa mga ito. Tumabi sa iyong kasama at sabay kayong humanga sa mga magagandang tala o ‘di kaya’y hanapin ang constellation ng inyong zodiac sign.

Image credit: LeahLhey

Iloilo

Ang probinsya ng Iloilo ay isa rin sa mga magagandang puntahan kung hanap mo ay mapagmasdan ang kalangitan na kasama ang kalikasan. Sa Bucari Pine Forest and Campsite, maaari kang pumili ng iyong tent kung saan pwede mong palipasin ang gabi habang binibilang ang mga bituin sa kalangitan. Maaari ka rin magbasa ng iyong paboritong libro kasabay ng mga alitaptap na dumadagdag sa liwanag na dala ng mga bituin sa langit.

Image credit: si kwan

Siargao

Kapag sinabing Siargao, ang kadalasang pumapasok sa isip ng mga tao ay ang pinakakilalang Cloud 9 surf spot na dinadayo ng maraming turista lalo na ng mga surfer. Makikita mo ang ganda ng lugar na para bang paraiso na sinasabayan pa ng matataas na alon at matirik na araw. Sa gabi naman ay masaya pa rin ang eksena na nababalot ng sayawan at ingay mula sa mga resort at bar. Kung napagod ka na sa mga gawain sa umaga, maaari kang pumunta sa pampang, maglakad-lakad at pagmasdan ang mga tala sa kalangitan. Pawiin ang stress sa pamamagitan nang pagkonekta sa mga nagkalat na bituin sa langit habang sumasabay sa tunog ng dagat.

Image credit: ChaasPrime

Also read: Siargao for Non-Surfers: Travel Guide, Itinerary and Tips

Isama na ang pamilya o barkada at mag-stargazing para mawala ang stress! Marami ka pang makikita sa kalangitan bukod sa buwan at mga tala. At kung may dumaan na shooting star, huwag kalimutang mag-wish!

Published at


About Author

Audrey Colleen Quiteves

Audrey is a speech major student at the University of the Philippines-Diliman who likes to write poems and verses from her free-flowing thoughts. Being a fan of travel, fashion and personal blogs, she aspires to craft her own experiences, style and creativity in writing and in photos. Conversations, writing, and new experiences fuel up this lady's passion and interests. According to her, travel is the state of one's wandering outside and inside. Aside from travelling, Audrey spends most of her time writing academic papers and scripts, reading books and blogs, fangirling on Korean popular groups, checking her friends on social media, and watching movies and series.

Brand Managers!

Want to see your brand or business in this story?

Talk to us now

Subscribe our Newsletter

Get our weekly tips and travel news!

Recommended Articles

Latest Articles