Mga Dapat Gawin Upang Makapag-Travel Kahit May Karamdaman

 

Noong 2015, nagkaroon ako ng Intracerebral Haemorrhage. 24 taong gulang palang ako, pero na-stroke na ako. Buti na lang, naka-recover ako kaagad. Hindi ko na kinailangang mag-therapy kahit may mga bagay na hindi ko pwedeng gawin noong una. Swerte na lang ako at hindi malubha ang nangyari. Pero, ‘di ko na mababago ang lahat kaya kailangan ko na itong isaalang-alang palagi, lalo na’t mahilig akong mag-travel. Pero, maari ba talagang makapag-travel kung meron kang malalang karamdaman? Para sa akin, oo. Kaya naman ibabahagi ko sa inyo ang mga bagay na ginagawa ko para maging posible ito.

1. Makinig sa iyong doktor

Hindi ako nagbibiro. Ang unang tanong ko sa doktor ko noong nakita niya akong nakahiga sa hospital bed ay kung pwede pa rin akong sumama sa pamilya ko sa United Arab Emirates (UAE). ‘Yan ay pagkatapos kong marinig ang resident doctor na kausap siya sa telepono tungkol sa kung gaano ka-grabe ang pagdurugo sa aking ulo. Kaya di na ako nagulat nung sinabi niya na tsaka na namin yun pag-usapan. Hindi ko mapigilang ‘wag tanungin. Curious kasi talaga ako!

Noong unang check-up pagkatapos kong ma-discharge sa ospital, pumayag na siya sa plano namin. Pero hindi daw ako pwedeng umakyat sa observation deck ng Burj Khalifa o mag-skydiving sa taas ng The Palm Jumeirah. Hindi na ako nakipagtalo. Kasi, hindi ko rin naman talaga gustong mag-skydiving. Noong umakyat sa taas ng observation deck ang tatay at ate ko, nasa lounge ako ng The Dubai Mall at kumakain ng gelato. Sa kabila ng lahat, matamis pa rin ang buhay.

Napatunayan kong hindi talaga lahat ng gusto mo ay makukuha mo. Pinayagan man akong lumipad pa-Dubai, pero hindi ako pinayagang bumalik sa probinsya ko by plane isang buwan bago ‘yun. Kinailangan kong makipag-kompromiso. Kung may kronikong karamdaman ka, ‘wag matigas ang ulo mo. Makinig ka sa doktor. Sabihin mo sa kanya ang gusto mo para magawan niyo ng paraan na ito’y magkatotoo.

2. Dalhin mo ang iyong medical history

Noong mga unang buwan matapos kong ma-stroke, kinailangan kong uminom ng mahigit sampung gamot araw-araw. Ayos! Naalala ko pa noong nag-panic ako sa customs checklist dahil hindi ako sigurado kung dapat ko bang ilagay yung dala kong Julitam at Zynapse. Hindi ‘yun masaya, ah! Pero sa huli, madali naman akong nakalagpas sa Customs. Mas okay lang sana kung hindi ko nalimutan na dala ko ang mga medical prescriptions ko pati discharge papers kung saan nakalista lahat ng mga gamot na pumasok sa sistema ko sa nakaraang tatlong buwan. Dinala ko rin ang mga gamot ko sa original packaging nila. Nilipat ko na lang sila sa travel container ko noong dumating na kami sa apartment ng isa ko pang kapatid.

3. Alamin kung saan ang lokal na ospital

Hindi naman talaga ako pesimista. Pero gusto ko, handa ako kapag nagta-travel. Isang must-do sa paggawa ng itinerary mo ay ang pag-alam kung nasaan ang pinakamalapit na ospital. Dala mo ba lahat ng mga gamot mo? Mabuti. Pero kung nasa ibang bansa ka at inatake ka nang matindi, ‘di mo gugustuhing wala kang ideya kung saan mo kailangang pumunta.

Basahin din ito: How a Painful and Traumatic Health Threat Pushed Me To Travel More

4. Mag-travel ng may kasama

Kung may kasama ka sa pagta-travel, hindi lang gagaan ang loob ng doktor mo kundi pati na rin ng pamilya mo. Kung ‘di mo kasama pamilya mo, at least, may kaibigan kang makakahalata kung pinipilit mo na ang sarili mo, diba? ‘Wag mo lang kakalimutang ipaalam sa travel buddy mo kung anong kondisyon ang meron ka para hindi naman sila magulat kung may mangyaring hindi inaasahan. Meron man kayong kailangang isaalang-alang sa mga activities na pwede niyong gawin, dapat ay maging bukas ka rin para makipag-kompromiso. Tandaan na hindi lahat ng bagay ay tungkol sa’yo. Kung gusto mong i-enjoy ang buhay, syempre sila rin.

Basahin ito: To Travel Solo or with a Companion?   

5. Siguraduhing lagi kang konektado

Minsan, nagta-travel akong mag-isa. Sa katunayan, isang taon simula noong ma-stroke ako, nagpasya akong gawin itong tradisyon. After all, na-stroke ako isang araw pagkatapos ng birthday ko. Hindi ba ang cool nitong paraan para i-celebrate ang buhay? Pero kapag nagta-travel akong mag-isa, sinisigurado kong lagi akong konektado. Dagdag gastos siya, oo. Pero kailangan kong ipaalam sa pamilya ko na ayos ako. Mine-message ko sila kapag paalis ako o nakabalik na ng hotel. Hindi naman masamang mag-message o tumawag paminsan-minsan diba? Kung pinayagan nila akong umalis ng walang kasama, dapat hindi ko rin sila pag-aalalahin.

Basahin ito: What They Don’t Tell You About Solo Travel

6. Uminom at kumain       

Sabi ng doktor ko, hindi ako pwedeng magpa-araw nang matagal, mapagod nang sobra at magutom dahil baka magka-seizure ako. Noong pumunta ako ng Bali, dinoble niya ang dosage ng anti-seizure medicine ko. Ang Bali ay katumbas ng araw, init, swimming at pagpupuyat. Kaya naman gusto niya akong protektahan. Ito ‘yong una kong punto, hindi naman kontrabida ang mga doktor. Kailangan mo lang maging tapat at tutulungan ka nila. Kung may kronikong karamdaman ka at sinisigurado pa rin ng doktor na nag-eenjoy ka sa buhay, magpasalamat ka.

Pero seryoso, ang paginom at pagkain nang maayos ay hindi lang naman para sa mga kailangang uminom ng gamot. Kailangan nating lahat uminom ng tubig at kumain ng tatlong balanseng pagkain araw-araw para maging malakas at malusog ka. Magandang bagay na nag-eenjoy ka kapag nagta-travel ka. Pero wag mo ring kakalimutan ang pagkain nang maayos. Alagaan mo ang iyong sarili.

7. Magpahinga nang maigi

Naiintindihan ko. Sasabihin mo sa akin na konti lang ang oras mo at gusto mong pumunta sa mas maraming lugar kung posible. Pero gusto mo ba talagang makita lahat pero pag-uwi, sa ospital ang deretso mo? Hindi magandang pagurin mo ang sarili mo nang sobra lalo na kapag nagta-travel. Bakit hindi mo na lang i-manage nang maayos ang oras mo? Unahin mo ang pagkaroon ng sapat na oras ng pagtulog para mas may lakas kang gawin lahat ng gusto mong subukan.

Basahin din ito: How to Prep for Stress-Free Travel

8. Makinig ka sa iyong katawan

Sige. Nakapag-pahinga ka at nakakain nang maayos. Pero minsan, may mga bad days na hindi mo pwedeng indahin. Kung masama ang pakiramdam mo, matulog ka ulit. Naiintinidihan ko naman na binayaran mo ang trip na ito at pinagplanuhan mo nang maigi. Pero mas marami kang pagkakataon na isakatuparan ang mga plano mo kung uunahin mo ang kalusugan mo. ‘Wag mong masyadong pwersahin ang sarili mo. Magandang simula na na nakikinig ka sa doktor mo. Pero, mas importante na makinig ka rin sa katawan mo. Kasi, ikaw lang ang tunay na makakaintindi kung mataas pa ang lakas mo o kung kaagano ka na kapagod. Kaya huwag mong balewalain ang personal mong opinyon.

Kailangan ng mas maiging paghahanda o pag-iingat kung magta-travel ka ng may karamdaman, pero posible ito kapag pinayagan ka na ng doktor mo. Hindi ibig sabihin na iisipin mong mas mahina ka sa mga adventurous travellers sa lahat ng oras. I-check mo ang pwede mong gawin. Pero hindi mo kailangang ikulong ang sarili mo para hindi gawin ang gusto mo dahil may sakit ka. Wag kang magpaka-stress sa mga limitasyon. Sa halip, isipin at isaalang-alang mo lahat ng iyong options. Isakatuparan mo ang pangarap mong mag-travel!

Isinalin galing sa (translated from): 8 Ways to Make Travelling with Chronic Illness Possible

Published at


About Author

Stella Marie Encina

While devoting her daytime in managing their family business, Stella spends her nights carefully planning her next adventures and composing short stories. She is in love with hole-in-the-wall destinations and writes about her quests on her online journal <a href="https://www.herbravesoul.com">Her Brave Soul</a>.

Brand Managers!

Want to see your brand or business in this story?

Talk to us now

Subscribe our Newsletter

Get our weekly tips and travel news!

Recommended Articles

Latest Articles