Pilipino Ka Kung… (Travel Edition)

Ang mga Pilipino ay napakabukod-tangi. Ilan sa mga palatandaang Pinoy ka ay kung ikaw ay maasikaso o hospitable, maka-Diyos, at proud na proud kay Manny Pacquiao sa boxing. Ngunit ano nga ba ang ating mga katangian kapag tayo ay naglalakbay o nagbabakasyon?

Marahil ay makakarelate ka sa iba o sa lahat ng mga nasa listahan. Maaring ikaw rin ay matuwa o mahiya. Pero ang mga nasa listahang ito ay totoo at base sa obserbasyon. Kung ikaw ay kabilang sa mga Pinoy na nasa listahan, huwag kang mahiyang aminin ito. Ikaw lang ang nakakaalam, sabay kindat.

P.S. Walang magagalit. Ito po ay para sa pawang kasiyahan lamang.

1. Lagi kang may dalang sunblock o sunscreen

Aminin na natin, takot tayong mga Pinoy sa araw. Gagawin natin ang lahat hindi lang tayo mangitim. Kaya naman, usong-uso sa mga Pilipino ang magdala ng sunblock o sunscreen. Minsan nga ay ginagawa pang kompetisyon kung sino ang may dalang may pinakamataas na SPF!

2. Saka ka na maliligo sa dagat kapag pagabi na

Image credit: Camera and Cheese

Si Haring Araw ang kalaban natin sa beach at kahit na naglagay na tayo nang makapal na layer ng sunblock, hindi iyon sapat para iwasan ang ating pag-itim. Ang solusyon? Maliligo ka lang kapag pagabi na, yung palubog na ang araw, para siguradong-sigurado ka talagang hindi ka iitim. ‘Wag i-deny.

3. Game kang kumanta sa kahit saang lugar na may karaoke

Image credit: Some Adventures

Kilala ang Pilipinas sa buong mundo bilang isa sa mga bansang maraming magagaling kumanta at kahit sintunado, wala tayong pakialam basta lang maibahagi ang ating nadarama sa pag-awit. Kapag makakita ang Pinoy ng karaoke, sa simula kunwari ay nahihiya, pero kapag nakapagwarm-up na, tiyak sa umaga pa matatapos.

4. Hindi ka nagpapaawat sa pagkain

Image credit: Shubert Ciencia

Sabi ng mga dayuhan, ang paraan daw ng Pinoy na bumati ay anyayahan silang kumain. Saan mang lugar tayo mapunta, kapag may pagkain, tayo ang bida. Hindi uso sa Pinoy and “sapat na” pagdating sa kainan at kung minsan, may kanin na, may pancit pa!

5. Madalas kang mahuli sa call time ng mga tour

Binansagan natin ang ating mga sarili nang mahilig sa “Filipino Time”. Hindi tayo mahilig lumakad nang maaga dahil ang iniisip natin ay mahuhuli rin ang iba. Itong kultura ay kapansin-pansin lalo na sa mga tour. Kapag ang call time ay alas 5:00 ng umaga, darating tayo nang alas 6:00.

6. Lagi kang nag-uupdate ng location mo sa Facebook

Siguro ay takot tayong mamiss ng ating mga kaibigan at kamag-anak, kung kaya’t lagi nating ipinapaalam sa kanila kung nasaan na tayo. Kaway-kaway sa mga mahilig maglagay ng “traveling to… from…” sa Facebook. Uuuuy, guilty siya.

7. Hindi mo maiwasang bumili ng pasalubong

Image credit: Camera and Cheese

Kahit kuripot ang Pinoy, lagi tayong nagtitira ng pera para may maidalang pasalubong. Ano sa tingin mo ang pinaka-usong bilhin ng Pinoy? Key chain! Hindi ka nagkakamali! Bakit? Dahil maliit para magkakasya sa bag at mura. Kailangan pa bang imemorize ‘yan?

8. Parati kang nakangiti lalong-lalo na sa mga foreigner

Bukod sa pagiging maasikaso sa mga dayuhan, ang mga Pinoy ay laging nakangiti sa kanila. Bakit nga ba? Minsan talagang natural lang sa atin ang pagiging masayahin ngunit kadalasan ay hindi lang talaga natin maintindihan ang kanilang sinasabi at wala na tayong ibang maisagot kundi ang ating matamis na mga ngiti. Kapag tumawa ka, ibig sabihin totoo!

Also read: 20 Telltale Signs You’ve Just Travelled To The

9. At mabilis kang makipagkaibigan lalo na sa kapwa Pinoy

Image credit: KTo288

Sobrang dami ng mga Pinoy sa ibang bansa. Kung saan-saan lang tayo nagkakalat lagim. Pero ang kagandahan nito ay saan man tayo mapadpad, lagi tayong may makakasamang kasing bait at kulit natin. Malayo pa lang ay bubulong ka na sa kasama mo, “Uy, may Pinoy oh!” Sabay haba ng nguso.

10. Uubusin mo ang pera mo makapagbakasyon ka lang

Image credit: Kate Ter Haar

Mas marami nang mga Pinoy ang mahilig maglakbay o travel. Kung dati, hindi masyadong mahilig magbakasyon ang mga Pilipino dahil masyadong matipid; ngayon, babasagin natin ang mga alkansya may maipang-gastos lang para sa matitirhan, pagkain at tour.

11. Gagawa ka ng paraan para maging positibo ang sitwasyon kahit saan ka pa mapadpad

Isa sa mga nagugustuhan ng mga dayuhan sa mga Pinoy ay ang pagiging positibo natin. Lagi tayong nakakahanap ng paraan para maging positibo ang mga problema.

12. Magpapa-picture ka sa mga artistang makakasalubong mo

Tayong mga Pinoy ay mahilig sa showbiz. Minsan, mas inaatupag pa natin ang love life ng mga artista kesa sa pagsaing ng kanin. Kaya naman, kapag may nakakasalubong kang artista sa daan, kahit di mo naman talaga alam ang pangalan, makikipagselfie ka pa. Para naman sa kunyari mahiyain, maglalabas na lang ng camera nang patago at gagamitin ang power of zoom, sabay post sa Facebook!

13. Sa harap mo isinusuot ang iyong backpack

Hindi natin maikakailang maraming pickpockets sa Pilipinas lalo na sa mga siyudad. Kaya kahit hindi magandang tingnan minsan, sa harap natin isinusuot ang ating backpack. Kung ikaw ay isa sa mga taong ganito, siguro marami kang pera, ano?

14. Lagi kang naghahanap ng simbahan

Image credit: Camera and Cheese

Karamihan sa mga Pilipino ay relihiyoso at dahil sa pananakop ng mga Kastila, nabiyayaan tayo ng mga luma’t magagandang simbahan. Kaya naman kapag tayo ay nagbabakasyon, isasama talaga natin sa plano ang pagbisita sa isang simbahan para magdasal.

15. Madalas kang hindi sumusunod sa batas trapiko

Image credit: Jhuart Aganon Dizon

Kilala natin ang ating mga sarili. Madalas talaga ay hindi tayo sumusunod sa batas trapiko at kahit na may nakalagay nang “May namatay na dito,” tatawid pa rin talaga tayo. Minsan, nadadala natin itong ating kultura sa ibang lugar o bansa.

16. Nag-excess baggage ka na sa airport

Image credit: Camera and Cheese

Kung nagyari na ito sa’yo, malamang babae ka o kaya ay lalakeng may kasamang bata. Ilang beses ka na ba nag-excess baggage sa airport? At ilang beses ka na bang naghalungkat ng bag mo para ilabas ang ilan sa iyong mga gamit at i-hand carry? O, relate ka, ‘no?

Also read: 20 Signs You Were Born and Raised in The

17. Lagi kang may dalang supot kung sakaling ikaw ay masuka

Image credit: Fritzie B. Enfectana

Sabi ng iba, ang mga Pinoy ay laging handa. Kapag nagbibiyahe, mayroon talagang isa sa grupo na laging taga para ng sasakyan para sumuka. Kaya ikaw, na laging handa, ay mag-aabot ng supot para magamit niya sa pagsuka, sabay tapon sa daan. Blech.

18. Naghahanap ka ng kanin sa ibang bansa

Image credit: Shehal Joseph

Alam mo bang ang Pilipinas ay kabilang sa kokonting mga bansa na may kanin kasama ng manok sa McDonald’s? Kaya huwag kang magulat kapag napadpad ka sa Malaysia, halimbawa, at hindi ka makahanap ng Value Meal na manok at kanin.

19. Nakikipag-unahan kang tumayo sa eroplano pagkatapos nitong lumapag

“Manatililng nakaupo at hintaying mawala ang safety seatbelt sign”. Pero hindi! Kailangan mo talagang maunang tumayo para kunin ang bag sa overhead compartment. Kailangan talagang mauna kang tumayo para hindi ikaw ang mahuling bumaba sa eroplano.

20. Lagi kang magsisingit ng #hugot lines saan ka man mapunta

Image credit: Lloyd Cafe Cadena

Patok na patok talaga ang mga hugot lines sa mga Pilipino. Kung mahilig ka sa hugot, ikaw siguro ay single, sawi, walang pera o sadyang hindi lang talaga masaya. Pero kahit papaano, nagagawa pa rin nating magbiro sa panahon ng kalungkutan kahit saan man tayo mapunta. Lahat na lang nang bagay gagawan natin ng #hugot lines. “Sana ako pa rin. Ako na lang. Ako na lang ulit,” sabi ni Basha.

21. At higit sa lahat, hindi kumpleto ang bakasyon ‘pag walang #SELFIE

Image credit: Camera and Cheese

Oo, huli ito dahil ito talaga ang unang hahanapin mo sa listahan. Sobrang hilig nating mga Pinoy kumuha ng mga litrato ng ating mga sarili. Binansagan na nga ang Makati na Selfie Capital of the World. At dahil sa gandang-ganda tayo sa ating mga sarili, kumpleto pa tayo niyan sa apps at equipment tulad ng selfie stick, VSCO, Snapchat at marami pang iba. Ito na siguro ang pinaka-bukod tanging palatandaan na ikaw ay isang Pinoy.

Also read: 15 Different Types of Travellers You Will Meet in the

Taas kamay ang mga aminado sa ilan sa mga nasa listahan! O ano, naka-relate ka ba? Alin ka sa mga ito?

Published at


About Author

Johanna Ella May Erroba

Johanna is a free spirit. She channels her energy through music, writing, surfing, and travelling. She expresses all of her musings on <a href="http://cameraandcheese.com/">Camera and Cheese</a>.

Brand Managers!

Want to see your brand or business in this story?

Talk to us now

Subscribe our Newsletter

Get our weekly tips and travel news!

Recommended Articles

Latest Articles